Manila, Philippines – Nagkabanggaan ang dalawang barko ng China habang hinahabol ang BRP Suluan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Bajo de Masinloc na nakatakdang magsagawa ng “Kadiwa Para sa Bagong Bayaning Mangingisda”.
Sa bidyong kuha ng mga kawani ng PCG, makikita ang binangga ng People’s Liberation Army Navy-Chinese Navy ship 164 ang CCG ship 3104 na nagresulta nang pinsala at hindi na makalayag.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, nakaranas ng mapanganib na maniobra at hinarangan ang mga mangingisda habang isinasagawa ang operasyon.
Tinarget raw ng water cannon ang MRRV 4406 pero nakaiwas ito dahil na rin sa aniya’y seamanship skills ng mga tauhan ng PCG.
Pagkatapos nang banggaan, nag-alok kaagad ng medical assistance ang PCG para sa mga sakay ng CCG 3104 sa mga nasakyang tripulante nito.
Naging matagumpay rin ang isinagawang operasyon at ligtas na naihatid ng MRRV 9701 ang mga mangingisdang Pilipino sa isang ligtas na lokasyon, kung saan binigyan sila ng gasolina at mga suplay.
Samantala ayon naman sa ilang Manila based civic leader, hindi lamang labanan ng mga barko at coast guard ang West Philippine Sea (WPS) kundi labanan ng mga naratibo at gumagamit umano ang China ng mga propaganda laban sa mga Pilipino.
Sabi ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, may dalawang pamamaraan ang China para sa kanilang pag atake, una ay ang agresibong kilos nito sa ating mga karagatan at pagpapalaganap ng maling impormasyon.
Suportado rin aniya ang Pangulo sa matapang na pahayag nito na hindi kailanman isusuko ng Pilipinas ang teritoryo nito sa gitna ng tensyon sa WPS.
Nagpaabot rin ito ng suporta sa Department of National Defense (DND), National Security Council (NSC), PCG at Armed Forces of the Philippines (AFP) na silang naka frontline sa bawat panganib sa karagatan.
Sa huli, nanawagan si Gotia sa publiko na manguna sa paglaban sa mga maling impormasyon at binigyang-diin ang diplomatic at military machinery para igiit ang karapatan ng bansa sa ating mga karagatan.