Idineklara ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaint bilang ‘insufficient in substance’ laban kay President Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw ng Miyerkules.
Kahapon, pinag-usapan ng mga miyembro ng komite ang limang grounds ng reklamo na inihain ni Atty. Andre De Jesus na inendorso ni Pusong Pinoy Representative Jett Nisay at ni Liza Largoza Maza, Teddy Casiño, et. al na inendorso ng tatlong miyembro mula sa Makabayan Bloc.
Sa mosyon na Insufficient in substance, 42 mambabatas ang sumang-ayon na hindi sapat ang nilalaman nito, isa na tanging si Nisay ang nag-no, at 3 abstain.
Habang ang ikalawang reklamo na Maza, et. al. na may sufficient in substance motion ay nakakuha ng 7 affirmative, 39 no, 0 abstention.
Pahayag ni Gabriela Womens’ party Rep. Sarah Elago, ang pagbasura pa ng kamara sa impeachment complaints laban kay Pangulong Marcos sa determination of substance pa lamang ay malinaw ng pagharang sa proseso ng pagkamit ng pananagutan at umano’y paglayo sa pangulo sa anumang imbestigasyon.
“Ang desisyon ng House Committee on Justice na ibasura sa antas pa lamang ng determination ng sufficiency in substance ang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay malinaw na pagtatangkang harangan ang proseso ng pananagutan at ilayo ang pangulo sa anumang imbestigasyon,” sabi ni Elago.
Argumento ni House Assistant Minority Leader at Kabataan Rep. Atty. Renee Co sa naging desisyon ng house committee, malinaw ang naging batayan ng reklamo.
Lahat aniya ng kanilang reklamo ay pasado sa mga pamantayang ipinatutupad ng komite.
“Malinaw sa paglatag ng mga batayan ng reklamo na pasado ito sa mga pamantayang ipinapatupad ng ating Komite,” ani Co.
Dagdag pa niya, na kung titigil ang kamara at hindi na magsasagawa ng imbestigasyon, ay posible umanong magpatuloy pa ang korapsyon sa flood control project.
Samantala, ikinatuwa naman ng pangulo ang pagkakabasura ng reklamong impeachment laban sa kanya, ayon kay palace press officer at undersecretary atty. Claire castro.
Giit aniya ng pangulo na nasunod ang proseso sa kongreso at makita ang katotohanan.
Ayon pa sa pangulo, balik ang atensyon niya sa pagpapalago ng ekonomiya at pag-iisip ng mga proyekto na makapagpapaangat ng buhay ng bawat Pilipino.—Krizza Lopez, Eurotv News