CALBARZON, Philippines – Dalawang driver ng pampublikong sasakyan ang nagpositibo sa drug test sa isinagawang random inspection sa CALABARZON.
Ayon sa Land Transportation Office Region 4A, 200 driver ang sumailalim sa surprise drug testing sa Batangas at Antipolo terminals.
Sa bilang na ito, 198 ang nagnegatibo habang dalawa ang nagpositibo sa ipinagbabawal na gamot.
Agad na isinailalim sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency ang dalawang driver para sa confirmatory testing at kaukulang aksyon.
Isinagawa ang aktibidad bilang bahagi ng “Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa at Summer Vacation 2026.”
Ayon kay LTO Region 4A Director Elmer Decena, magpapatuloy ang ganitong operasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero sa mga terminal.—Carlos Concha, Contributor