DAMI NG MGA BASURANG INIWAN SA DINAANAN NG MGA DEBOTONG NAKIISA SA TRASLACION 2026, AGAD NA NILINIS NG MDPS

Manila, Philippines – Tumambad ang samu’t saring basura sa mga lugar na dinaanan ng mga deboto sa isinagawang Traslacion 2026.

Kabilang sa mga kalat na iniwan sa mga lansangan ang mga boteng plastik, plastic cups, at styrofoam na ginamit ng mga deboto habang nakikiisa sa prusisyon.

Kaagad namang rumesponde ang mga street sweeper ng Manila Department of Public Services o DPS at isinagawa ang paglilinis sa kahabaan ng Padre Burgos Avenue matapos umusad ang prusisyon nitong Biyernes, Enero 9, 2026.

Ayon sa DPS, patuloy ang kanilang pagiging maagap sa paglilinis ng mga lugar na dinaanan ng Traslacion upang masigurong malinis, maayos, at ligtas ang kapaligiran para sa publiko.

Agad ding nagsagawa ng sweeping operations ang DPS District V Sweepers sa Roxas Boulevard, malapit sa Manila Hotel, matapos dumaan ang prusisyon ng Poong Hesus Nazareno, bilang bahagi ng pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa lungsod.

Katuwang din ng DPS sa isinagawang paglilinis ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na nakiisa sa clearing at sanitation operations sa iba’t ibang bahagi ng Maynila.

Share this