DAR, NAMAHAGI NG TITULO AT KAGAMITANG PANSAKA SA BENGUET

La Trinidad, Benguet – Namahagi ng land titles at makabagong kagamitang pansaka ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magsasaka bilang bahagi ng pagpapalakas ng agrikultura sa lalawigan.

Sa isinagawang aktibidad sa Pico, 80 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at limang agrarian reform beneficiary organizations (ARBOs) ang tumanggap ng Certificates of Land Ownership Award (CLOAs), e-titles, at farm machinery.

Ayon sa DAR, 44 CLOAs ang iginawad sa 71 ARBs na sumasaklaw sa mahigit 57 ektarya ng lupang agrikultural—na nagbibigay sa kanila ng ganap na pagmamay-ari ng lupa.

Samantala, siyam na magsasaka mula sa Sablan ang tumanggap ng 13 e-titles sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.

Nagkaloob din ang ahensya ng farm machinery na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱600,000 sa limang ARBOs upang mapabilis ang produksyon at mapataas ang ani.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer Lailani Cortez, ang pagkakaroon ng titulo ay nagbibigay ng seguridad at kapanatagan sa mga magsasaka.

Dagdag pa ng DAR, bahagi ito ng Climate-Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) Project na naglalayong isulong ang modernong pagsasaka at mapabuti ang kita ng mga benepisyaryo.

Sa kabuuan, inaasahang makatutulong ang mga ipinagkaloob na suporta upang mapalakas ang produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka sa Benguet.—Carlos Concha, Contributor

Share this