DATING MAMBABATAS ARNIE TEVES, ISINUGOD SA OSPITAL

Manila, Philippines – Ika-27 ng Mayo nang maaresto at maibalik sa Pilipinas si dating Negros Oriental representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. matapos ang higit dalawang taong pananatili sa Timor Leste.

Matatandaang sa bisa ng deportation order, tuluyan na ring naaresto at naiuwi sa bansa si Teves na nahaharap sa patong-patong na kasong may kaugnayan sa pagpaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa noong 2023, kung saan sya ang itinuturong mastermind.

Eksaktong tatlong linggo mula nang maaresto, si Teves, isinugod sa ospital umaga ng ika-17 ng Hunyo dahil sa stomach pain.

Sa video na ibinahagi ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio, kita ang isang ambulansyang lulan patungong ospital si Teves na may iniindang matinding pananakit ng tiyan.

Ayon kay Topacio, madaling araw pa lamang ay iniinda na ni Teves ang “severe stomach pain” na nararamdaman nito.

Pagdedetalye pa nito, hindi kaagad pinayagan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na madala sa ospital si Teves.

Ang kanyang kliyente, kulang na lang daw ay lumuhod sa pagmamakaawa na madala sya sa ospital dahil sa matinding sakit ng tiyan na nararamdaman.


“Our client was buckling over due to pain, and according to him, he was practically on his knees, requesting to be brought to a hospital for treatment, but BJMP personnel could not grant said request due to ‘protocol.'” saad ni Atty. Topacio.

Aniya pa, alas singko na ng umaga nang tuluyang makatanggap ng medikal na atensyon si Teves, ngunit hindi raw bumuti ang lagay nito.

Ayon kay Topacio, alas syete na nadala si Teves sa ospital makaraan niyang makarating sa Camp Bagong Diwa, ngunit sabi naman ng BJMP, alas sais ng umaga ay naitakbo na ito sa isang pampublikong ospital.

Hindi pinangalanan ang ospital dahil sa security reasons, habang ayon kay Topacio, sumasailalim na sa kaukulang gamutan si Teves.

Kakailanganin din aniya ng karagdagan pang mga tests upang malaman ang sanhi ng sakit.

Ayon kay BJMP spokesperson Jayrex Bustinera, Lunes pa lamang ng gabi ay may mga sintomas na si Teves, at itinakbo sa ospital alinsunod na rin sa rekomendasyon ng BJMP physician na tumungin dito.

Pinaigting na rin aniya ang mga security measures para kay Teves, alinsunod na rin sa protocols ng BJMP pagdating sa mga high-profile persons depreived of liberty (PDLs).

Samantala, hindi naman naiwasang punahin ni Congresswoman Janice, asawa ni Degamo, ang naging trato kay Teves na umiinda lamang ng saki ng tiyan.

Tanong nya sa BJMP: maoospital din ba ang mga regular na inmate para sa sakit ng tiyan?

“Hospitalized for “stomach pains”, what can we expect next showing up to court in a wheelchair? We are tired of the delaying tactics, the judicial games and the drama.” ani ni Cong. Janice.

Panawagan niya ngayon, huwag nang ipagpaliban pa ang hustisya.

Sa kasalukuyan, nakabinbin pa ang mga kasong kinahaharap ni Teves sa Manila Regional Trial Court Branch 51.

Share this