The Hague, Netherlands — Maakalipas ang halos isang araw na byahe, lumapag na Miyerkules ng gabi sa Netherlands ang eroplanong may lulan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos arestuhin sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa Philippine Embassy in The Netherlands, lumapag sa Rotterdam Airport ang chartered flight RP-C5219 kung saan sakay si Duterte bandang 11:56 ng gabi, sa oras ng Pilipinas. Ito ang pinakamalapit na airport sa The Hague, Netherlands, kung nasaan ang ICC.
Kinumpirma na rin ng spokesperson ng ICC ang pagdating ni Duterte, maging ang turn-over ng kanyang kustodiya sa mga opisyal ng Judicial Cooperation Unit of the ICC Office of Registry.
Siniguro anila ng embahada na maibigay lahat ng mga kinakilangang consular assistance kay Duterte at sa grupo nito, gaya ng accommodation at medical checkup sa 79 na taong gulang na dating pangulo.
Kaugnay nito, ginawaran ng embahada si dating executive secretary Salvador Medialdea ng 15 araw na visa bilang counsel ni duterte at pinayagan ding bisitahin ang dating pangulo sa detention center ng ICC ngayong Huwebes.
Ngayong nasa kustodiya na ng ICC, nakatakdang magtakda ang ICC ng hearing para sa initial appearance ni Duterte sa naturang International court.
Dalawang oras mula nang lumapag sa Netherlands, dumating na ang dating pangulo sa ICC Detention center.
Samantala, bago pa man makarating sa Netherlands, sinabi ni Duterte sa isang video na nakahanda sya sa kung ano mang patutunguhan ng kanyang kasalukuyang sitwasyon.
Sakaling mapatanuyang may sala, maaaring makulong ang dating pangulo ng hanggang 30 taon o lifetime imprisonment.
Samantala, dumating naman kaninang 2:27 ng madaling araw sa Amsterdam si Vice President Sara Duterte, at nakaatakdang dumiretso sa The Hague para suportahan ang ama.