Naga City, Camarines Sur — Hindi sa kanyang pagkabigo sa presidential elections noong 2022 nagtapos ang adhikain ni dating Vice President Leni Robredo na maipagpatuloy ang serbisyo publiko.
Sa halalan ngayong taon, layon nya naman na maibalik ang lingkod serbisyo sa kanyang mga kababayan sa Naga City sa kanyang kandidatura bilang alkalde ng lungsod.
At batay sa mga resulta ng eleskyon, hindi binigo ng mga Nagueños si Robredo at ipinanalo ito sa halalan nang may malaking lamang mula sa kanyang mga katapat sa posisyon.
Sa isang Facebook post, pinasalamatan nya ang nakuhang kabuuang 84,259 na boto, na katumbas ng 91.6% ng mga botante sa lungsod.
Naging katapat nya sa pwesto si Toots De Quiros na nasa ikalawang pwesto, Louie Ortega, Ganda at Abrazado.
Nitong Martes ng umaga, opisyal na syang ipinroklama bilang bagong alkalde ng Naga City, para sa kanyang unang termino.
Bukod sa landslide win, makakasaysayan ding maituturing ang kanyang pagkakahalal, lalo pa at sya ngayon ang kauna-unahang babaeng naluklok bilang alkalde ng Naga.
Matatandaan na ang kanyang yumaong asawa na si dating Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo ay nanungkulan din bilang alkalde ng Naga mula Hunyo 2001 hanggang Hunyo 2010.
Samantala, panalo rin sa halalan ang katambal ni Robredo na si Gabby Bordado para sa pagkabise-alkalde.