Manila, Philippines – Naglabas ng pahayag ang Department of Education (DepEd) kaugnay ng desisyon ng lokal na pamahalaan ng Laguna na suspindihin ang face-to-face classes sa buong lalawigan hanggang Oktubre 31.
Ayon sa DepEd, habang kinikilala nila ang kapangyarihan ng mga local government units (LGUs) na magpatupad ng mga hakbang para sa kaligtasan ng publiko, binigyang-diin ng ahensya ang kahalagahan ng balanseng pagdedesisyon.
Babala ng DepEd, ang matagal na pagkakansela ng pisikal na klase ay maaaring makaapekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Tiniyak naman ng DepEd na paiigtingin ng kanilang mga School Division Offices ang pagpapatupad ng Alternative Delivery Modes (ADMs) upang masigurong tuloy-tuloy ang edukasyon sa kabila ng suspensyon.
Kabilang sa mga ADMs ang modular learning, online classes, at iba pang alternatibong paraan ng pagtuturo.
Dagdag pa ng DEPED, na dapat umano na isaalang-alang ang parehong kalidad at kaligtasan ng edukasyon, nararapat din daw ito na balansehin at gawin ng may pag-iingat.
Samantala, nanawagan ang kagawaran sa mga magulang, guro, at lokal na opisyal na magtulungan upang maipatupad nang maayos ang mga alternatibong paraan ng pagkatuto sa mga apektadong lugar.