DEPED PLUS-D PROGRAM NA TUTUGON SA LEARNING LOSSES NG MGA NASA EARLY GRADES, APRUBADO NA NI PBBM

Manila, Philippines – Sisimulan na ng Department of Education (DepEd) ang implementasyon ng Project for Learning Upgrade Support and Decentralized (PLUS-D) program ng ahensya na tutugon sa learning losses ng mga mag-aaral partikular ang mga nasa early grades.

Yan ay matapos itong aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ang Economy and Development Council. 

Sesentro ang PLUS-D program sa Nationwide learning acceleration program para sa 11,000 paaralan sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, kung saan target na magbenepisyo dito ang nasa 21 milyong mag-aaral sa K-10 at Kindergarten hanggang Grade 6.

Anim na taon ang implementasyon ng programa na popondohan ng mahigit sa P34.79B na magmumula sa World Bank at P3.47B naman mula sa pondo ng pamahalaan sa tulong ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev).

Bahagi ng learning recovery program sa ilalim ng PLUS-D ang pagpapatibay sa pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learing (ARAL) Program sa bawat mapipiling mga paaralan, pagbibigay ng kapangyarihan sa mga guro at local leaders na magdesisyon kung paano nila matutugunan ang learning gap base sa pangangailangan ng kanilang mga estudyante.

Saklaw din ng PLUS-D ang pagbibigay ng pondo sa paaralan para masuportahan ang mga interbensyon at reporma na kanilang ipatutupad.

Kasama rin dito ang layuning madagdagan ang mga guro sa mga eskwelahan na mabigyan ng laptops sa ilalim ng kasalukuyan ng umiiral na programa na Comuputerization Program.

Sa ilalim rin ng PLUS-D magkakaroon ang DepEd ng performance-based accountability para matiyak na magkakaroon ng maandang resulta ang programa sa bawat paaralan na magiging kabilang dito.

Pipiliin naman ang mga paaralan na magiging bahagi ng PLUS-D Program sa pamamgitan ng readiness indicator batay sa kanilang kakayahang magplano, financial management at sistema ng school governance.

Share this