Manila, Philippines – Matapos ilabas ng Korte Suprema ang desisyon na hindi konstitusyonal ang kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, posibleng hindi pa rito natatapos ang proseso.
Ngayong araw (July 30, 2025) sa kapihan sa Manila Bay, iginiit ni Retired Associate Justice Antonio Carpio na maaaring mabaligtad ang desisyon ng High Court.
Ito ay sa oras na magsumite ng motion for reconsideration ang House of Representatives.
Batay sa desisyon ng Korte Suprema, unconstitutional ang impeachment case laban kay Duterte dahil nilalabag nito ang one year bar rule. Dito isinasaad na walang impeachment proceeding ang maaaring itulak sa korte na hindi hihigit sa isa.
Sa kaso ng impeachment case ni VP Duterte, umabot sa apat na reklamo ang isinumite sa kamara—ang pang-apat ang siyang pinagsama-samang argumento nang naunang tatlong impeachment case.
Aniya, may panahon pa ang korte Suprema para itama ang kanilang naging desisyon, dahil hindi naman ito lumalabag sa konstitusyon ng bansa.
Samantala, ayon naman kay Constitutional Commission Commissioner Christian Monsod, maaaring imbestigahan ng Office of the Ombudsman ang mga hukom ng Korte Suprema kasunod ng naging desisyon nito sa kaso ng bise presidente.
Aniya, may opsyon ang mga tao na magsumite sa ombudsman para silipin ang mga hukom ng husgado.
Ngunit, kung sakali naman na hindi baguhin ng Korte Suprema ang ruling, maaari nang i-refile ng kamara ang impeachment case sa February 06, 2026.
Sa oras na i-refile ng kamara ang kaso, kailangan matiyak na sumusunod na ito sa ruling ng korte.
Samakatuwid, posible pa rin magkaroon ng impeachment proceeding, ngunit delay lamang ito.
Sa kabilang banda, naglabas ngayong Miyerkules (July 30, 2025) ang Office of the Vice President ng pahayag kaugnay sa pagbasura ng Korte Suprema ng kanyang kaso.
Nagpasalamat si Duterte sa kanyang defense team na nagtatrabaho rito. Maging sa mga taga suporta na bumatikos sa tangkang pagpapatalsik sa kaniya bilang bise presidente.
Aniya ni Duterte, mananatili silang nakatayo, malakas, at resilient laban sa mga opisyal siyang magpapabagsak sa bansa. —Krizza Lopez, Eurotv News