DFA, BINATIKOS ANG PAHAYAG TSINA KAUGNAY SA POSIBLENG PAGKAWALA NG MGA TRABAHO DULOT NG TENSYON SA REHIYON

Manila, Philippines – Inalmahan ng Department of Foreign Affairs ang naging babala ng Chinese Embassy sa posibleng epekto ng tensyon ng Pilipinas at Beijing sa milyong milyong trabaho.

Binigyang diin ng DFA ang pagpapahalaga ng Pilipinas sa pakikipagtulungan nito sa lahat ng bansa.

Maging ito man para sa ekonomiya, kultura, at iba pang aspeto, lalo aniya kung ito ay nagbibigay ng benepisyo sa Pilipinas at sa Pilipino. 

Gayunpaman, mariing tinutulan ng tanggapan ang naging tono ng embahada ng China kaugnay sa epekto nito sa trabaho. 

Anila, lumalabas na isang panggigipit o ganti ang hindi nito pag sang-ayon sa kooperasyon.

Bunsod nito muling hinimok ng DFA ang counterpart agency na maging responsable sa paggamit ng mapayapang tono sa mga pampublikong usapin.

Tiniyak naman ng ahensya ng Pilipinas ang kanilang tapat na pakikiisa sa isang mapayapang diyalogo sa pagtatatag ng bilateral relationship ng pilipinas sa Beijing.

Naunang nagbabala ang Embahada ng Tsina sa Maynila na ang mungkahi ng ilang senador ng Pilipinas na ideklarang ‘persona non grata’ si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan ay maaaring makasira sa ugnayang pang-ekonomiya at maging sanhi ng pagkawala ng ‘milyun-milyong trabaho’ para sa mga Pilipino kung tuluyang masisira ang relasyon ng Pilipinas sa China. 

Patuloy ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa nitong mga nakaraang taon dahil sa mga pangyayari sa WPS. 

Kabilang na ang mga insidente sa ‘resupply mission’ ng Pilipinas at ang presensya ng mga sasakyang pandagat ng Tsina sa mga lugar na nasa loob ng ‘exclusive economic zone’ (EEZ) ng Pilipinas.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this