Manila, Philippines – Nagpaalala ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) sa mga Pilipinong bibili ng bahay, lupa o condominium units lalo na sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na laging tiyaking lehitimo at may license to sell ang isang developer para hindi maloko at ma-scam.
Pati raw mga brokers dapat ay lisensyado rin.
Ayon kay DHSUD Senior Undersecretary Sharon Faith Paquiz, marami pa ring naloloko o naiiscam sa mga ilegal na bentahan ng bahay.
Laganap pa rin daw ito, lalo’t mas madali na ngayong makapanloko online.
Bilang mandato raw ng DHSUD na protektahan ang mga buyers, patuloy nilang ikinakampanya ang pagfa-fact checking, ng sa gayon ay mas madali silang matutulungan ng ahensya sakaling magkaroon ng problema sa pagbili nila ng bahay sa mga rehistradong developer.
Kabilang din daw sa ginagawang proteksyon ng DHSUD sa mga home buyers ang binuong Anti -Illegal Real Estate Practice Inter-Agency Task Force na binubuo ng Philippine National Police (PNP) National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang enforcement agencies upang masawata ang mga real-estate scammers.
Binigyang diin din ni Usec Paquiz na ang mga transaksyon sa pagitan ng nagbebenta at buyer na nagaganap lang online, walang dokumentong naipapakita mula sa DHSUD tungkol sa binibiling property ay maituturing nang ilegal.
Bagamat bukas at handa raw nilang tulungan ang mga home buyer na nagrereklamo sa kanilang nabiling property, limitado pa rin daw ito para sa mga rehistrado lamang na developer sa kanilang ahensya.
Ang bawat housing project din daw kung sa subdivision ay dapat na may development permit mula sa LGU at kung condominium ay dapat manggagaling naman sa DHSUD ang permit.
Sa paaran daw na ito kung hahanapin ng mga buyers sakanilang pagbibilhang developer, makakaiwas sila na maloko.
Samantala, bilang bahagi pa rin ng task force ng DHSUD na nakatutok sa panghuhuli ng mapagsamantalang mga grupo o indibidwal na patuloy nanloloko.
Mas pinalakas pa nina NBI Director Melvin Matibag at DHSUD Secretary Aliling ang law enforcement campaign ng ahensya para labanan ang iba’t ibang uri ng real estate malpractices na bumibiktima sa mg Pilipinong ninais makabili ng disente, maaayos at abot kayang bahay.
Alinsunod din ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na whole of government approach sa pagprotekta sa mga Pilipino at pinaghirapan nilang pera na bunga ng kanilang hanapbuhay.