Bongao, Tawi‑Tawi — Inilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang 53 libreng Wi‑Fi sites sa piling 25 lokasyon sa Tawi‑Tawi, bilang bahagi ng selebrasyon ng National ICT Month 2025.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “No One is Left Offline,” layunin ng proyektong ito na bigyan ng pantay na pagkakataon ang bawat Pilipino na makagamit ng internet at iba pang digital na serbisyo.
“Malinaw ang mandato sa aming ahensya: ipaabot ang connectivity sa lahat ng panig ng Pilipinas.” saad ni DICT Undersecretary Paul Joseph V. Mercado, na inirepresenta si Secretary Henry Aguda sa programa.
Bukod sa libreng Wi-Fi, inilunsad din ang eLGU program para mapabilis ang digital service ng lokal na pamahalaan ng Tawi-Tawi.
Sa aspektong pangkalusugan naman, nagbigay ang DICT ng mWell Telemedicine platform sa Rural Health Unit ng Silantup, Tandubas para mas mapadali ang pagkuha ng serbisyong medikal.
Sa edukasyon, namahagi ng ICT equipment ang DICT sa Abdel Mustafa Elementary School sa Sitangkai mula sa Tech4ED Project para makatulong sa pag-aaral ng mga bata sa malalayong lugar.
Ayon sa DICT, ang libreng Wi-Fi ay malaking tulong sa mga taga-Tawi-Tawi. Nagagamit ito para makausap ang mga mahal sa buhay, makapagnegosyo online, at makapag-aral ang kabataan.
Nagkaroon din ng kasunduan ang DICT at Ministry of Transportation and Communications para sa mas matatag na internet projects sa rehiyon, kaisa ang mga TELCO companies sa bansa.
Matapos ang “Trabahong Digital” project sa Batanes at “Connectivity sa Tawi-Tawi”, isusunod naman ng ahensya ang “eCommerce Para sa Lahat” na ilulunsad naman sa Dumaguete.
Sa kabuuan, may halos 18,849 free Wi‑Fi sites ang DICT sa 9,769 na lokasyon sa buong bansa — at target nilang umabot ng 21,000 sites ngayong taon.
“Ang digital na kinabukasan ay para sa lahat, hindi lang sa iilan. At nagsisimula na ito ngayon,” sabi ng DICT. — Freda Ordinado, Contributor