Manila, Philippines – Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng mga lokal na pamahalaan (LGU) na maging handa sa inaasahang pagtama ng napakalakas na bagyong tatawaging “Uwan,” na kasalukuyang papalapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong linggo.
Ayon sa pinakahuling ulat ng mga awtoridad sa panahon, ang nasabing sama ng panahon na ngayo’y isang tropical depression pa lamang ay posibleng lumakas at maging isang super. typhoon.
Inaasahang tatama ito sa bansa ngayong weekend, na maaaring magdala ng Wind Signal No. 5 at magdulot ng matinding pinsala sa ilang bahagi ng Hilagang at Gitnang Luzon.
Hinimok din ng kagawaran ang mga LGU na linisin ang mga daluyan ng tubig at kanal, suriin ang mga kalsada at tulay, at tiyaking may sapat na suplay sa mga evacuation center.
Inatasan din ng DILG ang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs) na paghandaan ang preemptive evacuation sa mga lugar na lubhang maaapektuhan ng bagyo.
Dapat ding nakahanda at nakaalerto ang mga emergency response team at mga rescue unit, habang dapat namang maipwesto na ang mga rescue equipments at mga relief goods para agad na maipamahagi kapag tumama na ang bagyo.