Manila, Philippines – Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng apektadong Local Government Units (LGUs) na magsagawa ng agarang inspeksyon at masusing pagsusuri sa mga gusali, imprastraktura, at tahanan na naapektuhan ng sunod-sunod na lindol at aftershocks sa Mindanao, partikular na sa Region VII, XI, at Caraga, upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Magsasagawa din ang DILG ng rapid structural assessment sa mga LGU na pamumunuan ng mga Building Officials, Municipal at City Engineers, at iba pang sangay ng ahensya sa mga labis na naapektuhan ng lindol.
Ayon sa DILG, kabilang sa mga i-inspeksyunin ang ground fissures, sediment venting, at residential structures, anila hindi pa dapat ito tirahan hangga’t hindi pa natitiyak na ligtas ito para sa publiko.
Pinaalalahanan rin ng ahensya ang mga LGU’s na patuloy na makipag-ugnayan sa Regional Disaster Risk Reduction and Management (RDRRM) Councils, District Engineering Offices ng DPWH, Local DRRM Offices, at mga Barangay Officials, para magsagawa ng joint inspections alinsunod sa post-earthquake structural evaluation.
Samantala, agad naman na ipatutupad ang evacuation at relocation ng mga pamilyang apektado ng lindol sa mga lugar na idineklarang “unsafe,” sa tulong Local DRRM Councils at Municipal Social Welfare and Development Offices (MSWDOs).
Iniutos rin ng DILG ang pagpapabilis ng proseso ng permits para sa mga repair at reconstruction works.
Matatandaan na inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na magbigay ng agarang tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad sa bansa.—Grachella Corazon, Eurotv News