Sa gitna ng pagsisiwalat sa mga palyadong flood control projects sa Pilipinas, tuluyan ng nagbitiw sa posisyon si Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan.
Nitong Linggo, August 31, 2025, tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang resignation ni Bonoan bilang kalihim ng DPWH.
Kung saan epektibo ang pag-alis nito sa posisyon ngayong September 1, 2025.
Aniya Bonoan sa kanyang resignation, nakasaad na sa kabila ng pag-alis sa posisyon patuloy ang kanyang pagsuporta sa laban ng administrasyong Marcos kontra mga palyado at substandard na flood Control Project.
Habang papalit kay Bonoan si Vince Dizon na naunang kalihim ng Department of Transportation.
Inatasan ni President Marcos si Dizon ng paglilinis sa organisasyon at tiyakin na tanging para sa mga imprastraktura na makatutulong sa taumbayan mailalaan ang pondo.
Kasabay ni Secretary Dizon, nanumpa na rin sa harap ni Pangulong Marcos ang hahali bilang kalihim ng Department of Transportation na si Undersecretary Atty. Giovanni Lopez.
COURTESY RESIGNATION SA LAHAT NG PINUNO DPWH, IPINAG-UTOS NI DIZON
Sa unang araw ng pag-upo ni Dizon bilang kalihim ng DPWH, iginiit niya ipag-uutos niya sa lahat ng pinuno ng ahensya; mula sa taas hanggang sa pinakamababang posisyon ang pagsusumite ng courtesy resignation.
Ito aniya ay bilang pagsunod sa direktiba na ibinaba ni Pangulong Marcos– bahagi ng malawakang paglilinis sa DPWH.
Dadaan sa pagsusuri sa lahat ng opisyal mula sa DPWH.
Target ng Pangulo at ni Dizon na salain at mailuklok sa posisyon ang mga opisyal ng tanggapan ang magagaling at may malinis na record.
Giit ng bagong kalihim, nagkakaroon ng mga guni-guning proyekto dahil na rin umano sa pakikipagkunchaba ng mga tauhan na nasa loob mismo ng DPWH.
Bukod sa courtesy resignation ng mga opisyal, sa oras na mapatunayan ang mga contractor na hindi tinupad ang napagkasunduan, substandard ang proyekto, o isang ghost project lamang, ipatutupad ng DPWH ang lifetime blacklisting.
Aniya Dizon, hindi na kailangan pang dumaan proseso o imbestigahan pa sa oras na mapatunayan na isang guni-guni lamang proyekto.
Inihalintulad nila ang mga umiiral na proseso ngayon sa tanggapan– na kailangan pang dumaan sa mahabang pagpapatunay bago mahatulan.
Sa gitna rin ng imbestigasyon, nakipag-ugnayan na rin ang DPWH sa Department of Trade and Industry para linisin ang Philippine Contractor Accreditation Board (PCAB).
Ilan lamang aniya ito sa mga utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa imbestigasyon ng maanomalyang ghost project at paglilinis sa hanay ng tanggapan.