DOH, FDA NAGBABALA SA MGA PEKENG GAMOT, SUPPLEMENT AT COSMETIC PRODUCT NA NABIBILI ONLINE

Manila, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa mga peke at hindi rehistradong gamot, supplement at cosmetics products na nabibili sa iba’t ibang digital platform.

Ayon sa FDA, maaaring magdulot ito ng seryosong epekto sa katawan at kalusugan kung ang isang produkto ay hindi aprubado ng kanilang ahensya o walang FDA approved na nangangahulugang peke o ilegal na hindi dapat ibinebenta.

Sintomas na peke ang isang gamot o supplement kung ito ay iniinom, kapag nakaramdam ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagtatae, pagkakaroon ng pulmonya o sakit sa baga at iba pa. 

Habang kumplikasyon naman sa katawan o pagkairita kung ang isang produkto ay inii-spray o ipinapahid sa balat.

Ang masamang epekto ng mga peke at unregistered product ay depende sa uri at klase ng gamot o cosmetics product, ngunit lahat daw ay ito ay hindi maganda. 

Malalaman daw na peke at hindi dumaan sa masusing pag-aaral ng FDA ang isang partikular na produkto kung ito ay mura, may mali maling spelling sa labels, madaling masira o madurog, at naka-foreign language maliban sa English.

Nagpaalala naman ang ahensya na madaling malaman kung peke ang mga ito at hindi rehistrado kung ichecheck sa FDA portal.

Aktibo naman daw ang FDA sa paglabas ng advisory sa mga produktong hindi rehistrado na ibinebenta pa rin sa merkado gayundin ang mga na-recall na nagkaroon ng kontaminasyon gaya na lang ng NAN-OPTIPRO at NANKID OPTIPRO products ng Nestle.

Samantala, agad naman daw sumusulat ang FDA sa Meta, TikTok, Shoppee at iba pang online platform kung may nais silang ipa-take down na produkto na namonitor nilang hindi FDA approved.

Share this