Cebu, Philippines – Nakatakdang magtayo ng pansamantalang hospital tents sa Cebu ang Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT) ng Department of Health (DOH).
Ito’y para makapagbigay ng agarang gamutan sa mga pasyenteng nangangailangan ng tulong na naapektuhan ng Magnitude 6.9 na lindol na tumama sa probinsya.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa kayang magsagawa ng surgeries, consultation, laboratory, at diagnostics sa itatayong mga tents.
Magsisilbi rin itong pangalawang pagamutan pansamantala ng mga pasyente habang ang iba sa mga pasilidad sa ospital ay nasira rin ng tumamang lindol.
Ang PEMAT ay maituturing na Emergency Medical Type 1 Fixed na nakarehistro sa Internationally Deployable Teams ng World Health Organization (WHO) na matatandaang ideneploy noon sa Myanmar upang rumesponde rin sa mga residente doon dahil sa tumama ring malakas na lindol.
Samantala, bilang bahagi pa rin ng pagresponde ng DOH sa Cebu, dumating na rin ang iba pang karagdagang gamot at mga medical supply sa probinsya.
Sakay ito ng C-130 sa pakikipagtulungan ng DOH sa Office of Civil Defense (OCD).
Nagkakahalaga naman ng sa mahigit P933,647 na halaga ng mga gamot at medical supplies ang dinala sa Cebu na mula sa DOH Central Visayas.