Manila, Philippines – Nagbabala nitong Martes (Hulyo 15, 2025) si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon laban sa mga gumagawa ng pekeng plaka ng sasakyan matapos maaresto ang apat na suspek sa San Ildefonso, Bulacan noong Sabado (Hulyo 12, 2025).
Ayon kay Dizon, ito pa lamang ang simula ng bahagi ng mga operasyon laban sa mga ilegal na gumagawa ng plaka, batay na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pigilan ang pagkalat ng mga ito para gamitin sa anumang uri ng krimen.
“Para sa mga gumagawa ng ganitong kalokohan, itigil niyo na ito kasi hindi namin kayo titigilan,” babala ni Dizon.
Samantala, sa pakikipagtulungan ng Joint Operation ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nahuli ang apat na suspek na gumagawa ng pekeng plaka.
Nakumpiska mula sa kanila ang mahigit PHP400,000 halaga ng mga kagamitan kabilang ang 51 pirasong pekeng plaka, mga printer, computer, cutting machine, at iba pang kasangkapan sa paggawa ng plaka.
Dagdag pa ng transport secretary, wala ring katiyakan ang mga plakang pangkaraniwang itinitinda sa social media sa halagang PHP1,200, kaysa sa plakang iniisyu ng LTO na may security features.
Ang apat na suspek ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1730 at Artikulo 2 Seksyon 31 ng Republic Act 4136. —Carla Ronquillo, Contributor