Manila, Philippines – Naglabas ng mga alternatibong ruta ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga motorista, kasunod ng pagbagsak ng Piggatan Bridge sa bayan ng Alcala, Cagayan.
Ayon sa inilabas na pahayag ng ahensya, maaaring dumaan ang mga light vehicle sa Maraburab Bridge, patungo sa Maraburab to Pigatan Road, saka tatawid sa Barangay Road na dumadaan sa Pigatan Elementary School, bago muling kumonekta sa Maharlika Highway.
Pinaalalahanan ng DPWH ang publiko na magagaan na sasakyan lamang ang pinapayagan dumaan sa nasabing alternatibong ruta.
Patuloy pa ring isinasagawa ng ahensya ang damage assessment at rehabilitasyon sa bumagsak na tulay upang matiyak ang kaligtasan at maibalik ang normal na daloy ng trapiko sa lugar sa lalong madaling panahon.