Pasay City, Philippines — Mahigit tatlong linggo makalipas ang naging trahedya sa entrance ng NAIA, pormal nang sinampahan ng kaso ang driver ng SUV na sangkot dito.
Nitong Martes, ika-27 ng Mayo, binasahan na ng sakdal sa isang korte sa Pasay City ang 47 taong gulang na driver ng SUV na sumalpok sa departure entrance ng NAIA Terminal 1 noong ika-4 ng Mayo.
Dalawa ang nasawi mula sa insidente—isang 29 na taong gulang na lalaki at isang apat na taong gulang na batang babae. Apat naman ang sugatan mula sa insidente.
Sa kanyang arraignment ngayong araw, sinampahan ang suspek ng mga kasong reckless imprudence resulting in two counts of homicide, multiple physical injuries, at damage to property.
Sa kabila ng patong-patong na kaso, ang suspek, naghain ng ‘not guilty’ plea para sa mga kinahaharap na reklamo.
Nananatili ring malaya ngayon ang suspek matapos payagang magpiyansa ng korte sa halagang P100,000 noong ika-16 ng Mayo.
Ang mga kaanak ng mga nasawi, kapwa dumalo sa naging arraignment sa suspek.
Nanindigan ang mga ito na ilalaban hanggang dulo ang kaso upang makamit ang hustisya para sa kanilang mga kaanak na binawian ng buhay mula sa insidente.
Samantala, nakapagpiyansa man, pinagmulta na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver ng SUV, at binawian na ito ng lisensya sa loob ng apat na taon.