DRIVER’S LICENSE AT REHISTRO NG SASAKYAN PINALAWIG ANG BISA HANGGANG OCT.15 PARA SA MGA APEKTADO NG KALAMIDAD

Manila, Philippines – Pinalawig ng Land Transportation Office (LTO) ang bisa ng mga driver’s license at rehistro ng sasakyan na nag-expire noong Setyembre 30, 2025. Batay sa inilabas na memorandum ng ahensya, mananatiling valid ang mga ito hanggang Oktubre 15, 2025.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, ang hakbang ay bilang konsiderasyon sa mga naapektuhan ng magkakasunod na kalamidad sa bansa, kabilang na ang malawakang pagbaha dulot ng habagat, mga bagyong Nando, Opong, at Paolo, at ang 6.9-magnitude na lindol na tumama sa Cebu.

Dagdag pa ng opisyal, layunin ng extension na bigyang luwag ang mga motorista at mga kawani ng gobyerno na hindi nakapagproseso ng kanilang mga dokumento dahil sa mga kanselasyon ng trabaho at limitadong galaw sa mga apektadong lugar.

Pinayuhan ng LTO ang mga concerned na motorista na samantalahin ang palugit upang maisaayos ang kanilang mga lisensya at rehistro bago ang itinakdang deadline.

Share this