DSWD: AKAP HINDI “PORK BARREL”

Manila, Philippines – Pinabulaanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paratang na ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ay maihahalintulad sa pork barrel.

Ito ay matapos ihambing ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang programa sa isang pahayag kahapon, kung saan binigyang-diin din nito ang umano ay paggawa ng listahan ng mga barangay officials sa mga magiging benepisyaryo nito. 

Mariin naman itong dinepensahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian at binigyang linaw na ang mga social worker ng ahensya ang nagpoproseso ng mga aplikasyon at nagtatakda kung sino ang kwalipikado batay sa mga patakaran ng programa. 

Sinabi rin niya na anumang rekomendasyon mula sa barangay o opisyal ng gobyerno ay kailangang dumaan sa tamang pagsusuri.

Ang AKAP ay layong tulungan ang mga minimum wage earner at low-income na pamilya na labis na apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

May pondong PHP26.7 bilyon ang nakalaan dito base na rin sa The General Appropriations Act (GAA) of 2024 kung saan halos limang milyong benepisyaryo ang nakinabang ngayong taon. 

Share this