Tarlac, Philippines – Ipinamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 50 kalabaw at iba’t ibang mga kagamitang pagsasaka sa mga katutubong Aeta sa Brgy. Maruglu, Capas, Tarlac sa pamamagitan ng Pag-Abot Program ng ahensya.
Ang inihandog na mga kagamitan ay direktang mapakikinabangan ng 579 na magsasakang benepisyaryo ng programa kung saan 521 ay mga Aeta.
Kabilang sa mga kagamitang pangsakang ipinamahagi ay hand tractor, mini-tiller cultivator, at knapsack sprayer.
Ang nasabing programa ay naglalayong palakasin ang kakayahan ng hanay ng mga magsasaka sa lugar.
Layon din nitong maging ligtas ang kanilang pagsasaka sa modernong panahon upang lalong mapayabong ang sektor ng agrikultura.
Dumalo sa turnover ceremony ng nasabing programa sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, Capas, Tarlac Mayor Roseller Rodriguez, Assistant Secretary Irene Dumlao, Pag-Abot Program Director Marilyn Moral, at iba pang mga opisyal ng DSWD Field Office 3- Central Luzon.
Ayon pa sa tanggapan, patuloy sa pakikipagtulungan ang DSWD Kalahi-CIDSS sa iba pang mga barangay upang mas pagtibayin ang partisipasyon ng mga residente nang sa gayon ay maging matatag ang pundasyon ng mga magsasakang kumakayod para sa seguridad ng pagkain sa bansa.—Shai Morales, Eurotv News