DTI ALBAY, IPINATUPAD ANG PRICE FREEZE SA MGA BASIC NECESSITIES SA TABACO CITY

Kasunod ng pag-angat ng Alert Level 3 ng Bulkang Mayon at ang deklarasyon ng State of Calamity sa lungsod sa ilalim ng Resolution No. 9-250, Series of 2026, ipinatupad na ng Department of Trade and Industry (DTI) Albay ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa Tabaco City.

Ayon sa DTI Albay, ang hakbang ay alinsunod sa Section 6 ng Republic Act No. 7581, o ang Price Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 10623.

Batay sa batas, awtomatikong ipinaiiral ang price freeze sa mga lugar na isinailalim sa State of Calamity o State of Emergency, kung saan ang presyo ng mga basic necessities ay ibinabalik at pinananatili sa umiiral na presyo bago ang deklarasyon.

Mananatili din umano na epektibo ang price freeze sa buong panahon ng ipinahayag na kondisyon, maliban na lamang kung ito ay mas maagang alisin sa pamamagitan ng kautusan ng Pangulo ng Pilipinas, ngunit hindi lalampas sa 60 araw.

Naglabas na rin ang DTI Albay ng memorandum circular at listahan ng mga produktong saklaw ng price freeze bilang gabay ng mga negosyante at mamimili.

Panawagan naman ng DTI Albay sa lahat ng business establishments sa Tabaco City na sumunod sa mga probisyon ng Price Act. Hinikayat din ang mga mamimili na i-report ang anumang kaso ng overpricing at iba pang hindi makatarungang gawain sa kalakalan sa pamamagitan ng mga opisyal ahensya.

Share this