DUTERTE YOUTH PARTYLIST, NAGSAMPA NG KASONG GRAFT, CORRUPTION VS. COMELEC

Quezon CIty, Philippines — Naghain ng Graft and Corruption case sa Office of the Ombudsman ang Duterte Youth Partylist laban sa ilang opisyales ng Commission on Elections.

Batay sa Verified Complaint with Motion for Issuance of Immediate Preventive Suspension na isinampa ni Duterte Youth partylist chairperson Ronald Gian Carlo Cardema nitong ika-29 ng Mayo, sentro ng kaso ang naging suspensyon sa proklamasyon ng partido at ang umano’y pagtuturuan ng mga opisyal ng COMELEC patungkol sa kung sino ang responsable sa desisyong ito.

Sa isang press release, sinabi ni Cardema na makailang beses na nilang inusisa si COMELEC chairperson George Erwin Garcia sa rason ng suspensyon sa kanilang proklamasyon, kahit pa ito ang pumangalawang partido sa nakalipas na halalan.

Ani Cardema, ang naging tugon lamang umano ni Garcia ay na alinsunod ang desisyon sa rekomendasyon ng 2025 National Board of Canvassers Supervisory Committee.

“Kakaturo ni George Garcia sa Supervisory Committee araw-araw, tiningnan namin kahapon kung ano ba talaga ang powers nitong Supervisory Committee, wala naman pala sila ganong powers, at kahit bigyan pa nila ng ganung powers, makikita agad ng Ombudsman na hindi naman pinasuspend nito lahat ng ibang may pending case, talagang tinarget lang todo ang Duterte Youth Party-List,” saad ni Cardema.

Giit ni Cardema, ito ay malinaw na paglabag sa Section 3 Paragraph E ng Republic Act 3019 o ang Anti-Graft & Corrupt Practices Act.

Matatandaan na sa nakaraang halalan, pumangalawa ang Duterte Youth partylist sa botohan sa partido, ngunit suspendido ang kanilang proklamasyon dahil sa mga nakabinbin pang petisyon kabilang na ang void partylist registration at misrepresentation complaints laban sa partido.

Nilinaw na rin ng COMELEC na ang proclamation suspension ay hindi nangangahulugan na suspendido rin ang kanilang panalo, sa halip, kailangan munang maresolba ng partido ang mga nakabinbing petisyo laban dito.

Ang Duterte Youth partylist, diskumpyado sa dahilang ito at sinabing ito ay panggigipit lamang sa kanilang partido, gayong mayroon pa aniyang ibang partylist groups na may mas malala pang pending cases.

“Maraming may ibang pending cases na klarong-klaro na mas serious pa kesa samin, di naman nila nirecommend i-suspend. Meron may kaso ng corruption, plunder, drugs, terrorism, citizenship, pero sila ay nagkaroon ng manifest partiality, evident bad faith, & gross negligence sa ginawa nila causing undue injury sa 2.3 Million Filipinos na umaasa na kasama tayo sa May 19 Proclamation Day, nahinto lang gawa nitong “recommendation” ng Supervisory Committee,” dagdag nya pa.

Dahil dito, sa halip rin na kay Garcia o sa iba pang mataas na opisyal ng COMELEC idirekta ang kaso, ang Duterte Youth Partylist, ang mga miyembro ng Supervisory Committee ang kinasuhan sa Ombudsman.

Kabilang dito sina COMELEC executive director Teopisto Elnas Jr. na chairman ng NBOC supervisory committee, co-chairman nito na si Rafael Olaño, deputy executive director Helen Aguila-Flores director of Election Records and Statistics Department Celia Romero, at lahat ng supporting staff members ng panel maging ad-interim poll commissioners na umano’y sangkot sa aktong inirereklamo.

Kasama sa kaso ang hiniling ng immediate preventive suspension laban sa mga respondents hangga’t nakabinbin pa ang kaso.

Kasunod ng isinampang kaso, sinabi naman ni Garcia na ang desisyon sa proclamation suspension ay parte ng serbisyo publiko ng COMELEC.

Naniniwala rin aniya sya sa legal na proseso ng bansa para sa magiging desisyon sa kaso.

Part of the job in public service. Belief in our legal processes makes decision-making a lot easier,” tugon ni Garcia sa isinampang kaso.

Share this