ECOWASTE COALITION, NAVOTAS LGU MAGHAHANDOG NG “WALANG PLASTIKAN” CONCERT NGAYONG PLASTIC FREE JULY

NAVOTAS, Philippines—Inilunsad ng EcoWaste Coalition at Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang Plastic-Free July 2025 campaign noong June 30 bilang suporta sa pandaigdigang pagkilos laban sa plastic pollution.

Layunin ng kampanya na bawasan ang paggamit ng single-use plastics at hikayatin ang publiko na gumamit ng refillable at eco-friendly alternatives.

Malaking bagay daw ayon sa alkalde para sa lungsod ng Navotas ang pagbabawas ng plastic waste na siyang makakatulong sa kalikasan at kalusugan.

“Kamakailan ay inilunsad natin ang Plastic-Free July sa Navotas. Namahagi rin tayo ng insentibo sa 14 na Juana Zero Waste Stores—mga refill stations na nag-aalok ng abot-kayang paninda na walang packaging. Salamat sa Mother Earth Foundation at EcoWaste Coalition na kaisa natin sa inisyatibong ito,” hayag ni Navotas Mayor Rey Tiangco.

“Mahalaga ang pagbawas ng plastic waste para sa kalikasan at kalusugan. Sama-sama tayong kumilos tungo sa isang plastic-free Navotas!” dagdag pa nito.

Kasama sa mga aktibidad ang online awareness campaigns tungkol sa Extended Producer Responsibility Act of 2022, mga webinar sa solid waste management, greenwashing, at lingguhang plastic-free challenges.

Bilang tampok na aktibidad, gaganapin ang “Walang Plastikan 2025” concert sa Hulyo 26 sa Navotas Convention Center.

Tampok dito ang mga kilalang lokal na musikero kabilang sina Kiyo, Omar Baliw, Because, DENȲ, Much Love, Space Moses, Sica, SUPAFLY, Colt Gregori, at shortone.

Ang concert ay isinakatuparan sa pakikipagtulungan ng Navotas LGU, DILG-National Capital Region, at Department of Environment and Natural Resources (DENR). Katuwang din ang mga sponsor na Summit Water, Overflow Café at Sandalwood, Pascual Laboratories, Sabon Express – The Refill Authority, at MudrA’s Plate.

Patuloy ang panawagan ng EcoWaste Coalition na sama-samang isulong ang #PlasticFreePilipinas para sa mas malinis at ligtas na kapaligiran. —Justin Fabian, Contributor

Share this