Tagumpay at karangalan pa ring maituturing ang naging performance ni World No. 2 Pole Vaulter EJ Obiena sa Paris Olympics 2024 makaraang magtapos bilang 4th place overall sa finals ng men’s pole vaulting nitong Martes ng umaga.
Bigo mang makapag-uwi ng medalya matapos kapusin ng isang pwesto, isa pa rin itong successful Olympic comeback para kay Obiena na nagtapos sa ika-11 pwesto noong Tokyo Games 2021.
Maganda ang naging simula ni Obiena sa finals, makaraang malagpasan ang 5.50m opening height at ang 5.70m sa unang attempt.
Matapos namang hindi malagpasan ang 5.80m sa unang attempt, nagpasya itong mag-skip, at direktang sumubok para sa 5.85m at 5.90m na kapawa nya nalagpasan sa unang attempt lamang.
Samantala, sa loob ng tatlong attempts, nabigo na si Obiena na malagpasan ang 5.95m, at idineklara bilang 4th place overall sa men’s pole vault finals ng Olympics.
Sakaling nakapasok sa top 3, si Obiena ang magiging unang Pinoy sa kasaysayan na makapag-uuwi ng medalya sa larangan ng athletics.
Sa kabila nito, bumuhos pa rin ang mga pagbati at pasasalamat para kay Obiena sa kanyang naging laban sa Olympics.
UPDATES SA IBA PANG ATLETA SA OLYMPICS SA IBANG LARANGAN
Sa larangan naman ng hurdles, bigo naman makapasok sa semifinals via repechage si Lauren Hoffman at ngayo’y laglag na rin sa kompetisyon.
Nagtapos sa ika-pitong pwesto si Hoffman sa repechage ng women’s 400m hurdles sa oras na 58.28 seconds.
Matatandaan na sumabak si Hoffman sa repechage makaraang magtapos sa 8th place noong qualifying.
Samantala, susubok naman na makapasok sa semifinals via repechange round ang isa pang Pinoy Hurdler na si John Cabang Tolentino mamayang hapon.
Sa qualifyings, nagtapos si Tolentino sa ika-anim na pwesto sa men’s 110m hurdles sa oras na 13.66 seconds.
Sa kasalukuyan, kabilang si Tolentino, may 8 pang atleta mula sa delegasyon ng Pilipinas ang lumalaban pa para makasungkit ng medalya mula sa Olympics 2024.