EMPLEYADO NG LAPU-LAPU CITY HALL SINIBAK MATAPOS MASANGKOT SA ROAD RAGE

Sinibak sa tungkulin ang isang 51-anyos na empleyado ng Lapu-Lapu City Hall matapos masangkot sa insidente ng road rage kamakailan.

Personal na sumuko sa Police Station 3 ang suspek at humarap kay Congressman-elect at Mayor Junard “Ahong” Chan upang ipaliwanag ang kanyang panig sa naturang insidente. Ang alitan, na naganap sa pagitan ng suspek at isa pang driver ng motorkad na residente ng Barangay Canjulao ay nakunan ng CCTV at agad na kumalat sa social media.

PANOORIN ANG CCTV FOOTAGE DITO: https://www.facebook.com/100009887386159/videos/pcb.2589078848098336/1898396810947626 via EDcel Jay Lumongsod Deejayhalfscreen/FB

Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang gulo sa mainit na pagtatalo ng dalawang panig na nauwi sa pisikal na komprontasyon. Nagtamo ng mga pasa at sugat ang biktima.

Dahil sa insidente, agad na inaksyunan ng pamahalaang lungsod ang kaso at sinibak sa posisyon ang naturang empleyado bilang bahagi ng pagpapanatili ng disiplina sa hanay ng mga kawani ng gobyerno.

Binigyang-diin ni Chan na hindi niya kukunsintihin ang mapang-abusong pag-uugali ng mga pampublikong tagapaglingkod at sinabing ang reklamo ay ipapasa sa Civil Service Commission (CSC) para sa kaukulang aksyon.

Posibleng humarap ang suspek sa kasong administratibo at kriminal.

Share this