Manila, Philippines – Noong Hulyo, naitala sa 94.7% ang employment rate sa Pilipinas, pinakamababang bilang ng mga Pilipinong may trabaho mula 2023.
Ngunit nitong Agosto, muli nang sumipa ang employment rate sa bansa na naitala sa 96.1%, o katumbas ng 50.10 million na mga Pilipinong may trabaho o negosyo.
Batay sa pinakabagong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), pinakamalaki ang bahagi ng services sector sa total employment na naitala sa 61.5%.
Sinundan ito ng nasa sektor ng agrikultura na may 20.4%, habang 18.1% naman sa Industry sector.
Kaakibat ng pagtaas ng employment rate ay ang pagbaba rin ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho na naitala sa 3.9% nitong Agosto, katumbas ng 2.03 million na unemployed persons.
10.7% naman ang naitalang underemployment rate o katumbas ng 5.38 millyong mga Pilipinong may trabaho ngunit nais pang magkaroon ng dagdag na oras sa trabaho o iba pang trabaho.
Para sa Malacañang, ang pagtaas na ito sa employment rate sa bansa ay resulta ng walang humpay na pasisiguro ng pamahalaan na matugunan ang isyu ng kawalan ng trabaho sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, patuloy na sinisiguro ng pangulo na makabuo ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng mas maraming job fairs sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nangako rin ang Palasyo na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang mga hakbang at programa nito para mas maparami pa ang trabaho para sa bawat Pilipino.—Mia Layaguin, Eurotv News