ESCUDERO SA IMPEACHMENT SCHED: NAKA-AYON SA BATAS

Pasay City, Philippines — Sa gitna ng kontrobersya sa ngayo’y atrasado na namang pagsisimula ng Senado sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, dinepensahan ni Senate President Francis Chiz Escudero na ang mga hakbang ng Mataas na Kapulungan ay nananatiling naka-ayon sa batas.

Matatandaan na inanusnyo ni Escudero na sa ika-11 pa ng Hunyo magcconvene ang Senado bilang isang impeachment court, taliwas sa unang anunsyo na sa ikatlong araw ng buwan.

Ani Escudero, ito ay upang bigyang-daan ang Senado na matapos ang iba pang mga legislative agenda bago magsara ang ika-19 na Kongreso.

Ang desisyong ito, umani ng samu’t saring reaksyon hindi lamang ng publiko kundi maging mula sa mga kapwa nya mambabatas.

Ngunit giit ni Escudero, sumusunod lamang ang Senado sa constitutional duties at internal rules nito, at hindi sa kagustuhan ng Mababang kapulungan.

“Hindi ako sumusunod dahil gusto lamang ng Speaker ng Kamara na ma-impeach ang Ikalawang Pangulo. Gagawin namin ang aming trabaho ayon sa batas, ayon sa pananaw ng Senado, at hindi sunod-sunuran lamang sa gusto ng isang tao o ng kabilang Kamara,” saad ni Escudero.

Itinanggi nya ring mayroon syang kinatatakutan kaya naging ganito ang kanyang pasya at na hindi magpapadala sa pressure ang Senado.

“Bakit hindi nila inihain agad? Bakit ngayon kami ang minamadali? Kailanman ay hindi ako nagpasya base sa takot. At hindi rin ako tagasunod ninuman,” dagdag nya pa.

Samantala, kinumpirma naman ni Escudero na wala pang naisusumiteng resolusyon sa Senado patungkol sa pagbabasura ng impeachment ni Duterte.

Ang ilang mga senador, sinabing wala pa silang nababalitaang ganitong resolusyon, habang si senator Imee Marcos ay sinabing mayroon na syang nakita ngunit wala pang kumpirmado sa mga ito.

Share this