Manila, Philippines – Dapat lamang sundin ng Senado ang naging desisyon ng Supreme Court na ‘unconstitutional’ ukol sa impeachment articles laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang naging personal na opinyon ni Senate Pres. Chiz Escudero kasabay na rin sa umano’y hindi na kailangan pang mag-convene ang Senado bilang impeachment court dahil wala na rin umano silang hurisdiksyon para sa kaso.
“Kung hindi, magkakaroon tayo ng constitutional crisis at baka tingnan tayo ng mga karatig-bansa natin at ibang tao na isang banana republic, kung saan sinusunod lang natin ang gusto natin,” pagkukumpara ni Escudero sa isang press conference, July 29, 2025.
Nitong July 25, 2025, mismong Korte Suprema na ang naghayag ng kanilang desisyon sa mga ipinasang articles of impeachment laban kay bise.
Ayon kay SC spokesperson Atty. Camille Ting, nilabag ng mga artikulo ang ‘one-year bar rule,’ kaya naman itinalaga ito ng SC na ‘unconstitutional’ at kung gayon wala nang hurisdiksyon ang Senado na dinggin pa ang proceeedings ng bise.
Gayunpaman, inihayag naman ni Escudero na nagkasundo ang buong Senado na pag-usapan ang naturang desisyon sa Agosto 6, 2025 upang mabigyan ng sapat na oras na irebyu ito at kung ganap ba nilang susundin ang naging utos ng SC.