Quezon City, Philippines — Matapos ang malagim na sunog na sumiklab sa mga kabahayan sa Brgy. Sto. Domingo, Quezon City nitong Martes, Oktubre 14, 2025, agad na tumugon ang Eurotv Cares katuwang ang Eagles 1 Marketing Corporation upang maghatid ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan.
Sa pangunguna ng Eurotv Cares at Eagles 1 Marketing Corporation CEO, Dr. Jessie R. Royo, personal na iniabot nila ang 150 relief packages na naglalaman ng mga tinapay, mga kumot, at mga tuwalya para sa pansamantalang pangangailangan ng mga nasunugan.
Kasalukuyang nanunuluyan ang mga biktima sa Parish Hall ng Santo Domingo Church, na nagsisilbing pansamantalang evacuation center para sa 158 indibidwal mula sa 43 pamilya, ayon sa ulat ni Barangay Kagawad Aida Bautista.
Aniya Bautista, halos wala nang natira sa kanila matapos ang insidente.
Matatandaang itinaas sa ikatlong alarma ang sunog pasado alas-11 ng umaga at tuluyang idineklarang fire out bandang ala-una ng hapon.
Sa nasabing insidente, tatlong batang magkakapatid na edad 10, 7, at 5 ang nasawi matapos ma-trap sa loob ng kanilang tahanan.
Ayon sa Eurotv Cares, ang kanilang pagtulong ay bahagi ng kanilang patuloy na misyon na maghatid ng malasakit, pag-asa, at kalinga sa mga Pilipinong dumaranas ng trahedya.
Dagdag naman ni Royo, ang kanilang layunin ay hindi lang mag-abot ng tulong, kundi ipadama rin sa mga apektado na hindi sila nag-iisa.
Bilang bahagi rin ng kanilang mensahe, nanawagan din sila sa iba’t ibang sektor at organisasyon na magkaisa sa pagtulong at palawakin ang bayanihan.