Davao City, Philippines — Kahit sa detention facility sa International Criminal Court (ICC) idaraos ng dating pangulong rodrigo Duterte ang kanyang kaarawan, kanya-kanya naman ng paraan ang kanyang mga taga-suporta upang maipagdiwang din ang kanyang kaarawan sa Pilipinas.
Sa Davao City, kung saan pitong beses syang naging alkalde at ngayo’y muling kumakandidato para sa parehong posisyon, ilang mga paaralan ang kanselado ang klase kasabay ng kaarawan ni Duterte.
Ayon sa Department of Education-Division of Davao City (DepEd-Davao City), nasa 15 mga paaralan ang sinuspinde ang kanilang face-to-face classes ngayong Biyernes upang hindi maapektuhan ng mga saradong kalsada sa gitna ng global prayer rally na ikinasa ng mga taga-suporta ni Duterte sa kanyang kaarawan.
Ang mga paaralang ito ay ang mga nasa downtown area na maaapektuhan ng prayer rally, dahilan para blended learning modality na lang muna ang ipatupad sa mga ito.
Sa gitna ng inaasahang global prayer rally, mula ala-una ng hapon hanggang matapos ang event, pansamantala rin munang isasarado ng lokal na pamahalaan ng Davao City ang mga kalsada ng C.M Recto Avenue mula San Pedro St. hanggang Magsaysay Avenue at Roxas Avenue mula Quezon Boulevard hanggang C. Bangyoy St.
Ayon sa Police Regional Office-Davao, tinatayang aabot sa 100,000 katao ang dadalo sa prayer rally, habang magdedeploy sila ng 1,800 na mga pulis para sa seguridad.