FLU CASES SA BANSA BAHAGYANG BUMABA SA BUWAN NG NOBYEMBRE – DOH

Manila, Philippines – Mula sa unang kalahati ng buwan ng Nobyembre, iniulat ng Department of Health (DOH) na bahagyang bumaba ang bilang ng kaso ng Influenza-like illness (ILIs) sa bansa kahit na nagsimula nang lumamig ang panahon.

Sa pinakahuling datos ng DOH, ang mga kaso ng ILI sa buong bansa ay bumaba mula sa 7,971 mula Oktubre 20-Nobyembre 2 hanggang 7,571 mula noong Nobyembre 3-16.

Naitala naman ang karagdagang pagbaba noong Nobyembre 17 hanggang 30 na mayroong kaso na aabot sa 3,710, ngunit ayon sa ahensya ay may posibilidad pa rin ito na magbago.

Mula noong nagsimula ang taon hanggang Nobyembre 30, may kabuuang 165,992 na kaso ng ILI ang naitala, na 17% na mas mababa kaysa sa 200,525 na kaso na iniulat sa parehong panahon noong taong 2023.

Sa kabila ng naitalang mga pagababa ng kaso ay naitala pa rin sa ibang lugar sa bansa ang pagtaas ng kaso ILI ito ay sa lugar ng Cordillera Administrative Region (CAR), Bicol Region, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Samantala, nauna nang sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ang mga kaso ng respiratory infections tulad ng karaniwang ubo at sipon, at maging ang COVID-19 ay maaaring tumaas dahil sa malamig panahon sa gitna ng Northeast Monsoon o panahon ng “Amihan.”

Paalala naman ni Herbosa sa publiko na gumamit ng face mask, magtakip ng bibig kung sakaling uubo, at pinayuhan din nito ang publiko na magpabakuna ng flu vaccine upang maprotektahan ang kanilang sarili sa ILI.

Share this