FNATIC ONIC PH WAGI SA MLBB M6 CHAMPIONSHIP VS. TL INDO

Kuala Lumpur, Malaysia –  #PinasLangMalakas!

Pinatunayan ng Fnatic Onic Philippines (FNOP) ang dominasyon ng Pilipinas sa Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) matapos talunin ang Team Liquid Indonesia (TLID), 4-1, sa M6 World Championship Grand Finals.

Sa pangunguna ni Kelra, na tinanghal na Finals MVP, sinelyuhan ng FNOP ang ikalimang sunod na titulo para sa Pilipinas na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia nitong Linggo. 

Pinabilib ng grupo ang manonood sa Game 1 gamit ang 3-for-1 trade at clean Lord push na sinelyuhan ni Kelra sa tower lock. 

Sa Game 2 naman, kahit nanguna ang Team Liquid Indonesia (TLID) sa objectives, bumawi ang FNOP sa isa na naman 3-for-1 trade at tinapos ang laban sa loob ng 12 minuto na may 8.0k gold lead. 

Nasilat naman ng TLID ang kanilang nag-iisang panalo sa Game 3 sa likod ng Retributions ni Faviannn at flawless ultimates ni Widy. 

Ngunit sa Game 4, dinomina ng FNOP ang TLID gamit ang 21-1 kill count at 15.6k gold lead, na tinapos sa loob ng 10 minuto. 

Sa Game 5, isang under-turret play nina Brusko at SuperFrince ang nagbigay-daan kay Kelra para tapusin ang serye sa fountain lock at tuluyang sinira ang tsansa ng TLID para sa kampyeonato.

Bukod sa titulong iniuwi ng pambato ng Pilipinas—nakamit din nila ang championship rings, gold medals, luxury watches, ROG phones, at isang malaking cash prize.

Kabilang sa FNOP sina KELRA, BRUSKO, SUPERFRINCE, K1NGKONG, KIRK, YNOT, HAZE, at  SPIDERMILEZ. 

Samantala, sa kabilang koponan naman ng Indonesia ay sina SAINTDELUCAZ, FACEHUGGER, AERONSHIKII, FAVIANNN, YEHEZKIEL, ARAN, WIDY, at KABUKI.

Share this