‘FOREIGN INTERFERENCE’, BANTA SA TUNAY NA KALAYAAN NG PILIPINAS — ACT TEACHERS

Batasan, Quezon City — Sa kabila ng kalayaan ay patuloy pa rin umanong nahaharap ang bansa sa mga banta kontra sa soberanya.

Ito ang naging sentro ng mensahe ng Act Teachers party-list kasabay ng 127th anniversary ng kalayaan ng Pilipinas.

Sa isang press release, partikular na tinukoy ng partido ang agresibong mga aksyon ng China sa West Philippine Sea at ang presensya ng hukbong sandatahang lakas ng Amerika sa bansa.

“Ang mga dayuhang bansa ay patuloy na gumagamit sa ating bansa para sa kanilang mga interes. Ang China ay sumusulong sa aming karagatan, habang ang Estados Unidos naman ay patuloy na nakikialam sa ating mga usapin bilang bansa. Pareho silang banta sa ating tunay na kalayaan,” sabi ni ACT Teachers Partylist Rep.-elect Antonio Tinio.

Hindi rin naiwasang ihambing ng mga kongresista ang pangyayaring ito sa naging relasyon dati ng Amerika sa Pilipinas noong Spanish-American war kung saan nasakop ang Pilipinas sa loob ng halos limang dekada.

Binatikos rin ng mga mambabatas ang kapalpakan umano ng administrasyon sa pagpapanatili ng tunay na kalayaan kaugnay sa patuloy na presensya ng iba pang military forces sa bansa sa pamamagitan ng enhance defense cooperative agreement o EDCA at ang patuloy din na pag depende umano sa ibang mga bansa sa usaping pang ekonomiya.

Our ancestors fought and died for a truly independent Philippines, not one that serves as a playground for competing imperial powers,” sabi naman ni House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.

Sa huli ay nag paalala ang dalawa na ang tunay na kalayaan ay pumapatungkol rin umano sa kalayaan pagdating sa ekonomiya, military interference at cultural domination.

“Ang tunay na kalayaan ay nangangahulugang ang Pilipinas ay para sa mga Pilipino—hindi para sa mga dayuhang kumpanya, hindi para sa mga foreign military bases, at hindi para sa mga puppet na lider na sumusunod sa mga dayuhan kaysa sa sariling bayan,” dagdag pa ni Tinio. — Ruzzel Andante, Contributor

Share this