The Hague, Netherlands — Tatlong buwan mula nang maaresto at maditene sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, humihiling ngayon ng agarang interim release ang kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte para sa dating lider ng Pilipinas.
Batay sa kopya ng redacted version ng nasabing request, sinabi ni Atty. Nicholas Kaufman, lead defense counsel ni Duterte, na ang hiling na pansamantalang paglaya nito mula sa detensyon ay naka-angkla naman sa napagkasunduang terms and conditons sa pagitan ng Counsel at ng Chief Prosecutor.
Giit ni Kaufman, hindi pasok si Duterte at ang kaso nito sa mga kondisyon ng Korte upang mapasailalim sya sa pre-trial detention.
“Mr Duterte does not meet any of the conditions to warrant further pre-trial detention as provided in Article 58(1)(b). He does not pose an objective risk of flight, nor is his arrest necessary to ensure the integrity of the investigations or preclude the continued commission of crimes. He must, as a result, be immediately released from ICC custody,” saad ni Kaufman sa interim release request.
Pagsisiwalat ni Kaufman, mayroong isang bansa, na hindi pinangalanan sa public version ng request, ang handang tumanggap kay Duterte sa loob ng panahong saklaw ng hiling na interim request.
Sakaling maaprubahan ang interim release, siniguro rin daw ng nasabing bansa na paiiralin pa rin nito ang mga umiiral nitong batas upang siguruhing maipapataw ang mga kondisyong hihingiin ng Pre-Trial Chamber I.
“The Government of [REDACTED] has expressed its willingness to receive Mr. Duterte onto its territory and, accordingly, there is more than good reason to believe that Mr. Duterte would not embarrass his hosts, and the hospitality afforded him, by violating the terms of his release,” dagda ni Kaufman.
Sa parehong request document, siniguro ni Kaufman na hindi ‘flight risk’ si Duterte at na sigurado pa ring haharap ito sa Korte kahit wala sa kustodiya ng ICC.
Ilan pa sa mga additional submissions ng kanyang kampo upang payagan si Duterte na magawaran ng interim release ang mga sumusunod:
1. Hindi tatakbo o kakawala si Duterte sakaling ma-release. (Mr. Duterte will not abscond.)
2. Hindi sya gagawa ng anumang aksyon na maaaring makasama o makaapekto sa imbestigasyon. (Mr. Duterte will not imperil proceedings if released.)
3. Hindi na gagawa si Duterte ng anumang krimen gaya ng mga alegasyon sa kanya. (Mr Duterte will not continue to commit crimes.)
4. Humanitarian reasons bilang si Duterte ay 80 taong gulang na at mayroon nang mga gamutan. (Humanitarian factors militate in favour of interim release.)
Hiling din ngayon ng kampo ang mabilisang desisyon para sa interim release request ni Duterte.