Tacloban, Philippines – Pormal na inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Free Public WiFi Site sa Tacloban bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan na palakasin ang internet connectivity sa buong bansa.
Kabilang sa mga lokasyong magkakaroon ng libreng WiFi ay ang ilang pampublikong pagamutan, waiting area ng paliparan, at ilang mga mall sa lungsod.
Kasabay nito, pinangunahan din ng Pangulo ang grand launching ng National Fiber Backbone Phase 2 and 3, na sakop ang Southern Luzon at piling bahagi ng Visayas, kabilang ang Cebu, Negros, at Leyte.
Ang proyektong ito ay layong maglatag ng government-owned fiber-optic network upang makapagbigay ng mas mabilis, maaasahan, at abot-kayang internet, lalo na sa mga rural at underserved na lugar.
Inaasahang malaking tulong ito sa pagpapalawak ng digital infrastructure ng bansa.