Manila, Philippines – Handang mamahagi ng fuel subsidies ang administrasyong Marcos sa inaasahang pagsirit ng presyo ng produkto ng petrolyo sa gitna ng tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ngayong araw, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inaasahan na magtataas ang presyo ng langis sa bansa.
Matatandaan aniya na namahagi rin ang pamahalaan ng fuel subsidy para sa driver ng pampublikong sasakyan, lalo na ang driver na tanging pamamasada lamang ang ikinabubuhay.
Bukod pa sa mga tsuper, makatatanggap din ng tulong ang iba pang lubos na maaapektuhan ng pagtaas ng presyo bunsod ng lumalalang sigalot sa middle east.
Matatandaan na nauna nang inatasan ng pangulo ang Department of Energy na bantayan ang sigalot sa middle east dahil sa posibleng epekto nito sa presyo ng mga bilihin sa bansa.
Sa katunayan ay nagbabala na rin ang DOE sa pagpapatupad ng mga paunang solusyon at pamantayan para maprotektahan ang mga kababayan at ekonomiya laban sa lumalalang alitan.
Aniya ni DOE Officer-in-Charge (OIC) Sharon Garin, mahalaga na ang mabilis na pagpapatupad ng pamantayan para mapanatiling stable at sapat ang supply ng langis sa Pilipinas at hindi rin makaapekto nang lubha sa local oil adjustments. | via Krizza Lopez