Manila, Philippines – Makaraan ang paglutang ng kontrobersya kaugnay ng mga isyu sa flood control projects sa bansa, buong Pilipinas na ngayon ang nakaabang sa kahihinatnan ng isyu.
Mula sa Pangulo na syang pangunahing naglantad ng anomalya, imbestigasyon ng mga ahensya, mga alkalde na sinisiyasat na rin ang kanilang lokalidad, hanggang sa imbestigasyon na rin ng Senado, maging ng House of Representatives kaugnay ng isyu.
Sa pagbubukas ng House of Representatives ng sarili nitong imbestigasyon kaugnay ng isyu sa mga anomalya at posibleng korapsyon sa likod ng mga palyadong flood control projects, nanindigan ang mga miyembro ng komite na wala silang sasantuhin at handang panagutin lahat ng sangkot sa isyu.
Bilang patunay nito, inatasan na ng House Infra Committee ang mga miyembro nito na i-disclose ang anumang kaugnayan o posibleng conflict of interest sa imbestigasyon upang masiguro ang transparency sa pagtalakay sa usapin.
Inihain ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno ang mosyon na nagtatakda sa lahat ng miyembro ng House Infra Committee na i-disclose lahat ng financial, business, o pecuniary interest na maaaring makaapekto sa imbestigasyon.
Batay sa Section 33 ng Rules of the House of Representatives, hindi maaaring magkaroon ng partisipasyon sa committee deliberations ang sinumang miyembro ng komite pagdating sa anumang isyu na may kaugnayan sa kanya.
Ang mosyong ito ay kasunod aniya ng mga naging rebelasyon ni Senador Ping Lacson patungkol sa higit 60 miyembro ng Mababang Kapulungan noong 19th Congress nag-ooperatre ng construction projects, o nagpondo sa mga ito.
Sinegundahan naman ni ML partylist Representative Atty. Leila De Lima ang naging mosyon ni Diokno at iginiit na hindi maaaring maging judge ang isang indibidwal ng sarili nyang kaso.
Hindi rin aniya magandang tingnan na kasama sa nagiimbestiga ang mga dapat na iniimbestigahan, lalo pa at hindi na rin naman ito lingid sa kaalaman ng publiko.
Sa kabila ng bahagyang pag-kontra ni House Deputy Speaker Janette GArin, wala naman nang objection mula sa Infra Comm panel, kung kaya’t naaprubahan na rin ang mosyon ni Diokno.
Mayroong limang araw ang lahat ng miyembro ng komite na maisubmit ang kanilang written disclosure on conflict of interest sa imbestigasyon kung mayroon man.—Mia Layaguin, Eurotv News