GABRIELA, BINATIKOS ANG UMANO’Y MAKALUMANG PANANAW NI PADILLA SA MARITAL RIGHTS

Manila Philippines — Binatikos ng grupo ng mga kababaihan si Senator Robinhood Padilla sa umano’y makalumang pananaw nito sa marital rights.

Ayon kay Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas, hindi raw dapat itinuturing na sexual objects ang mga kababaihan.

“We remind Sen. Robin Padilla that no means no. Hindi dapat ituring na sexual objects ang kababaihan,” giit ni Brosas.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media kahapon, tinalakay ang mga pang-aabusong sekswal sa mga television networks at mga artist management agencies, kung saan nabuksan din ang usapin ng pangaabusong sekswal sa mga asawa.

Tanong ni Padilla hindi raw ba maituturing na obligasyon ng bilang asawa ang pakikipagtalik.

“So yung dati po na sinasabi na obligasyon ng asawa na babae o lalaki na kapag ka humiling ang asawa lalaki o babae dapat pagbigyan, hindi na po yan?” ani Padilla sa pagdinig.

Dahil dito pinaalalahan ni Women’s right advocate Atty. Lorna Kapunan ang senador hinggil sa marital rights ng bawat indibwal.

“Pag sinabing no, no means no. (It) applies to both genders. Hindi siya pwede iforce ng asawa,” sagot ni Kapunan.

Naghain ng House Bill no. 401 ang Gabriela upang pagtibayin ang Anti-Rape Law.

Layon ng panukala na mapalawak pa ang depinisyon ng rape, magtatag ng batayan sa kakulangan ng pahintulot at baguhin ang lumang provisions na saklaw ang pagpapatawad sa mga kasal na biktima at mga salarin.

Paliwanag pa ni Brosas dapat daw tuluyan nang rebisahin ang Anti-Rape Law sa mas lumalawak at lumalagong paraan ng pang-aabusong sekswal sa maraming aspeto.

“This is why the Anti-Rape Law should be amended to ensure that our laws are reflective of the evolving understanding of consent and the increasing instances of sexual abuse in various contexts,” saad pa ni Brosas.

Share this