Manila, Philippines – Muling kinapos ang Gilas Pilipinas matapos matalo sa New Zealand Tall Blacks, 94-86, sa kanilang ikalawang laban sa Group D sa 2025 FIBA Asia Cup nitong Huwebes ng gabi.
Bagama’t hindi sumuko ang Gilas at ilang ulit na bumawi sa huling mapkapigil-hiningang dalawang quarters ng laro, hindi na nila tuluyang nakamit ang tagumpay.
Bumida kasi ang Tall Blacks sa second quarter matapos magpaulan ng siyam na three-pointers at nagtala ng 55-37 na lamang sa halftime.
Hindi naman nagpahuli ang Gilas at nagpakita ng puso sa mga huling bahagi ng laro, upang maging tatlo na lamang ang lamang ng New Zealand, 85-82, ngunit nabigo pa ring maisara ang agwat kontra sa mainit na shooting ng Tall Blacks.
Muling bumulusok si Justin Brownlee para sa Gilas na may game-high 37 points, 5 rebounds, at 3 assists, habang si Dwight Ramos ay nagdagdag ng 19 points at 4 rebounds. Si June Mar Fajardo naman ay nakapag-ambag ng 11 puntos at apat na rebounds.
Sa kabila ng matinding rally, ilang mahalagang pagkakamali ang naging dahilan ng pagkatalo ng Gilas, kabilang ang crucial turnover ni Ramos at isang mintis na free throw mula kay Brownlee sa huling minuto.
Pinangunahan ni Jordan Ngatai ang Tall Blacks na may 22 puntos, habang si Taylor Britt ay nag-ambag ng 19 puntos at 7 assists.
Samantala, kapwa may 0-2 na katayuan na ngayon ang Gilas at Team Iraq sa Group D, kung saan magtatagpo ang dalawang koponan ngayong Sabado para sa isang do-or-die game para makapasok sa quarterfinals.