GRASS FIRE SA BULKANG TAAL, FIRE OUT NA

Taal, Batangas — Makalipas ang 21 oras, idineklara nang fire-out ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang grass fire na sumiklab sa isang bahagi ng Taal Volcano Island nitong Martes.

Batay sa report ng BFP, na kinumpirma rin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), idineklarang fire out ang grass fire bandang 9:05 ng umaga nitong ika-2 ng Abril, matapos ang halos isang araw na pagsiklab at pag-apula rito.

Ayon sa PHIVOLCS, 11:24 ng tanghali ng ika-1 ng Abril ng sumiklab ang grass fire sa timog-kanlurang bahagi ng bulkan, 400 metro ang layo mula sa Binintiang Munti (VBTM) Observation Station ng ahensya.

Pasado alas singko naman ng umaga nitong Miyerkules nang bahagyang humupa ang pagliyab, hanggang sa maging under control at ideklarang fire out kalaunan.

Nakipagtulungan ang PHIVOLCS sa BFP, Philippine Coast Guard (PCG) , at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices ng San Nicolas at Agoncillo, Batangas upang maapula ang apoy sa Taal.

SANHI, LAWAK NG PINSALA, HINDI PA TUKOY

Sa kabila ng pagiging malapit sa observatory ng PHIVOLCS, wala naman umanong equipment ang napinsala ng naging grass fire.

Batay sa inisyal na ulat ng mga awtoridad, tinatayang umabot sa mahigit limang ektarya ang tinupok ng apoy.

Samantala, wala pang kinukumpirma ang mga awtoridad patungkol sa maaaring naging mitsa o sanhi ng grassfire.

Nauna nang nilinaw ng PHIVOLCS na hindi ang volcanic activity ng Taal ang sanhi ng pagliyab, na nananatili pa ring nasa ilalim ng Alert Level 1.

Ayon sa ahensya, posibleng man-made o dulot ng matinding init ng panahon ang naging pagliyab sa bulkan.

Matapos ang pag-apula sa pagliyab, naghahanda naman na ang Office of the Civil Defense Calabarzon ng assessment team at aerial inspection upang makumpirma ang kabuuang lawak ng pinsala ng naging grass fire.

Huling nagkaroon ng grass fire sa bulkang Taal noong Marso 2023, at Mayo 2024.

Share this