GRUPONG MANIBELA, MARIING KINONDENA ANG UMANO’Y PANG-AABUSO AT PANGHAHARANG NG DOTR-SAICT SA MGA TRADITIONAL JEEPNEY

Manila, Philippines – Nagsimula na ang tatlong araw na tigil-pasada ng grupong Manibela bilang pagkundena sa pang-aabuso umano ng DOTR-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) sa mga traditional jeepneys. 

Ayon sa lider ng Manibela na si Mar Valbuena, pinag-iinitan umano ng mga SAICT ang mga traditional jeepney at mga kasali sa kooperatiba.

Ani Valbuena, tuloy ang illegal na pag ti-ticket ng SAICT sa mga traditional jeepney kahit pa kumpleto sa mga dokumento ang mga tsuper. 

Giit niya, kinakaya ng mga otoridad ang mga simpleng jeepney driver.

Bunsod nito, nais nilang buwagin na ng gobyerno ang DOTR-SAICT.

Aniya imbis na gipitin ang mga driver, mas dapat na tingnan ng mga opisyal ang pamumuhay ng tsuper, at ikonsidera ang igsi ng ruta na binabaybay ng bawat isang unit. 

Hindi lamang multa ang pinoproblema ng mga driver, ngunit maging ang sunod-sunod na linggo pagtaas sa presyo ng langis. 

Sa kilos-protesta ng Manibela sa kahabaan ng PhilCoa sa Quezon City, sinadya ni Land transportation Franchising and regulatory board Chairperson Atty. Vigor Mendoza II ang grupo. 

Ayon kay Mendoza, hindi laging solusyon ang aprehensyon. Kailangan magkaroon ang gobyerno ng proactive solution para sa mga katulad na isyu. 

Nananawagan pa rin si Valbuena kay Transportation Acting secretary Giovanni Lopez na bumaba sa lansangan para obserbahan ang tunay na sitwasyon ng mga jeepney driver sa kalsada. 

Isa ang grupong Manibela sa mga tumutol sa pagpapatupad ng Public Transport Modernization Program (PTMP) na sinimulan noong 2017. 

Sa ilalim ng programang ito ng gobyerno, kailangan sumali ng mga jeepney driver sa mga transport cooperatives at pagpa-consolidate para magkaroon ng ruta. 

Habang ang mga tumangging mag pa-consolidate ay i-ko-konsidera nang kolorum.—Krizza Lopez,  Eurotv News 

Share this