Ipinangamba ng mga driver ang halos ₱2 na taas-presyo sa Gasolina, Diesel, at Kerosene nitong Martes, Hunyo 17, 2025.
Ayon sa Department of Energy (DOE), narito ang itinaas sa presyo kada litro: ₱1.80 sa gasolina, ₱1.80 sa diesel, at ₱1.50 sa kerosene.
Sinabi ng DOE na ito ay dahil sa mga kaguluhan sa ibang bansa. Kabilang dito ang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, ang patuloy na gulo sa Russia at Ukraine, at ang mabagal na usapan sa nuclear deal ng US at Iran.
Ang kaganapang ito ay nagreresulta sa suplay at presyo ng langis sa buong mundo.
Matatandaang noong nakaraang linggo lang, nagtaas din ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Ang paggalaw na ito, muling ikinabahala ng mga tsuper at motorista.
Ang tricycle driver na si Enrico Buco, naglabas ng hinahing patungkol sa pagtaas ng presyo, ngunit aminadong kailangan nilang tumalima rito.
“May mga gera kaya wala tayong magawa kundi sumunod sa presyo. Sa kada taas ng litro, nababawasan yung nauuwi namin. Yung dapat ipon, napupunta sa dagdag na gasolina,” ani ni Enrico
Aniya, madalas malaki ang taas-presyo, pero kapag bumaba, kaunti lang.
“Ang trend ng gasolina natin is mas malimit yung pagtaas kaysa pagbaba. Tumataas ng dalawang piso o one-fifty pero sa pagbaba, halos 30 sentimos, 25 centimos.” dagdag nito.
Ayon sa ilang grupo ng transportasyon, patuloy silang nananawagan sa gobyerno na magbigay ng mas mabilis na aksyon para maibsan ang epekto ng sunud-sunod na taas-presyo ng langis.
Patuloy namang nagmo-monitor ang DOE at inaasahan ang susunod na galaw ng presyo sa darating na linggo. | via Freda Ordinado