Manila, Philippines – Mahigit 1.2 milyon mula sa buong rehiyon sa bansa ang apektado ng walang tigil na pag-ulan at pagbaha dulot ng Severe Tropical Storm Crising at Habagat.
Ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes ng umaga, nasa 1,266,322 katao o 362,465 pamilya ang naapektuhan sa buong bansa.
Sa bilang na ito, umabot na sa anim ang kumpirmadong nasawi mula sa Mimaropa, Davao, Caraga Region at tatlo sa Northern Mindanao. Anim naman na indibidwal pa ang nawawala at anim din ang sugatan.
Nakapagtala naman ang sakuna ng halos P54 milyong halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura at P413 milyon sa imprastruktura.
Pinakaapektado sa pinsala ng imprastruktura ang Ilocos Region at Western Visayas na umabot sa P299 milyon at 112.8 milyon ang halaga.
Samantala, mananatili pa rin ang pananalasa ngayong araw ng Habagat at isang Low Pressure Area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa bahagi ng Luzon partikular na sa Ilocos Region, Zambales, at Bataan, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).