Manila, Philippines — Nag-iba ang taktika para makapang-scam.
Ito ang pangunahing dahilan na nakikita ng TrustTech company na Gogolook kung bakit malaki ang itinaas ng mga naitalang scam calls sa Pilipinas sa unang tatlong buwan ng taong 2025.
Sa isang briefing nitong Miyerkules, iniulat ng Gogolook ang 351,699 na kaso ng scam calls na naitala ng Whoscall app, isang anti-scam application, sa unang bahagi ng kasalukuyang taon.
Ang bilang na ito, 74.32% na mas mataas kumpara sa 201,760 scam calls na naitala sa 4th quarter ng 2024.
Sa kabila nito, mas ikinaalarma ng Gogolook ang year-on-year uptrend pagdating sa scam calls, kung saan ang tala ngayong 2025 Quarter 1 ay 225.17% na mas mataas kumpara sa nasa 108,000 na record sa kaparehong panahon noong 2024.
Ayon kay Gogolook Philippines Country head Mel Migriño, ang malaking diperensya na ito sa mga record ay maiiugnay sa adjusted strategies ng mga scammers.
Paliwanag ni Migriño, mas marami ang napapaniwala sa mga scam calls dahil sa tunog “authentic” ang tawag dahil sa may “alam” na ang mga scammers patungkol sa biktima.
Aniya, may mga paraan na ang mga scammer ngayon upang makakalap ng impormasyon patungkol sa biktima na magagamit nito sa pakikipag-usap at para mapakagat ito kalaunan sa scam.
Sa kabila naman ng upsurge na ito sa bilang ng mga naitalang scam calls, bumaba naman ang mga text o SMS scams.
Batay sa datos ng Whoscall, mayroong 648,239 na mga SMS scams ang naitala sa first quarter ng taong 2025, 68% na mas mababa kumpara sa mahigit 2 milyon na tala noong fourth quarter ng 2024.
Sa taunang pagkukumpara naman, 43.3% ang ibinaba nito mula sa mahigit 1.1 million na tala sa kaparehong panahon ng 2024.
Ang pagbaba na ito ay inuugnay sa mas maigting na kampanya ng pamahalaan at mga kaugnay na ahensya upang masawata ang mga ganitong klase ng SMS scams.
Bunsod nito, pinaaalalahanan ang publiko na mag-ingat at maging masusi sa mga natatanggap na text at tawag mula sa mga hindi kilalang numero, at maging alisto upang hindi mabiktima ng mga scammers.