HILING NA INTERIM RELEASE NI FPRRD, IBINASURA NG ICC

Hindi tinanggap ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang interim release.

Batay sa desisyong ibinibaba ng Chamber nitong Biyernes, ibinasura ng ICC ang unang interim release request ng kampo ni FPRRD, maging ang ikalawa nitong hiling na makalaya mula sa detensyon.

Matatandaan na sa mga nakalipas na submissions ng Defense team, iginiit ng kampo na hindi flight risk si Duterte at na ang paglaya nito mula sa detensyon ay hindi magiging banta sa pag-usad ng imbestigasyon.

Kasama rin sa interim release request ng Defense ang humanitarian considerations para kay Duterte na 80 taong gulang na at mayroon na ring mga medikal na pangangailangan dahil sa kanyang kalusugan.

Ang lumalalang cognitive condition daw ng dating Pangulo ang naging batayan naman ng ikalawang interim release ng kanyang kampo.

Ang submission tungkol sa kanyang kalagayan at kondisyon, kinatigan ng korte para ipostpone ang kanyang confirmation hearing, bilang ang pangulo, hindi na anila fit to trial.

Sa kabila ng mga argumentong ito, hindi pa rin tinanggap ng ICC ang release request at ipinagutos ang pananatili sa detensyon ng dating pangulo.

Ayon sa ICC, kailangang manatili ni Duterte sa detensyon upang masiguro na haharap ito sakaling mareschedule na ang trial, lalo pa at hindi anila kinikilala ng dating Pangulo ang legal proceedings ng kaso at tinatawag pa itong kidnapping.

Hindi rin inaalis ng Korte ang posibilidad na maaaring maapektuhan ng paglaya ni Duterte ang imbestigasyon, at takutin ang mga saksi sa kaso.

Dagdag pa ng ICC, hindi rin nila tinanggap ang humanitarian grounds ng release request bilang hindi sapat ang naging submnission ng Defense para ma-justify ang hiling na pagpapalaya rito.

Ayon sa Korte, nakatatanggap si Duterte ng sapat na medical na atensyon at nabibisita rin ng kanyang pamilya kaya hindi sapat ang argumento ng defense para sa kanyang interim release for humanitarian purposes.

Share this